Mahabaging Langit,
Natitiis mo bang ang tigang na lupa
Lalu pang mamitak at mapatimawa?
Iyo nang ilawit
Ang mga habag mong sa nalantang punla
Mag-bibigay buhay…. Magpapariwasa..
Mahabag ka sana
Sa abang lagay kong walang magpapala
Liban na sa hamog na iyong biyaya..
At mananariwa
Ang nalantang usbong ng munti kong punla
Na ninanais kong ikaw ang mag-pala.
Ang habag mo’y ulan
Ang nakakawangis sa sawi kong puso
Na kung iyaalay dusa’y maglalaho,
At ang lirang tangan
Ay muling aawit ng mga pagsuyo
Upang sa piling mo’y di na mapalayo.
Ngunit ikaw naman
Parang ulan ka ngang sa katag-arawan
Ay nagmamaramot sa lantang halaman.
Hindi mo ba alam
Ako’y naghihintay ng tanging pangarap
Na kasagutan mong aking iingatan?
Minamahal kita,
Kita’y iniibig,… Iyan ang dahilan
Ng pananaghoy ko’t mga panambitan,
Kaya’t mahabag ka
At ibuhos mo na ang lingap mong ulan
Sa nalantang pusong tangi kong halaman.
Bình luận