top of page
Search

Ako’y Maghihintay


Sa dilim ng gabi ika’y aking tanglaw

Bituing marikit nitong aking buhay

Sa pag-lalayag ko ikaw ang patnubay

Sa gitna ng dagat tangi kitang ilaw.



Sa simoy ng hangin aking nilalanghap

Ang tangi mong samyong hindi kumukupas

Sa ala-ala ko’y laging binabakas

Nagdaang kahapon sa piling mo liyag.



Kung nanariwa sa aking gunita

Ang binitiwan mong pangako at sumpa

“Hindi mag-babago, Hindi masisira”

Panatag ang loob, ako’y nag-tiwala.



“Anong kasalanan na aking ginawa?

Nag-taksil ba ako, ika’y may hinala?

Tinalikdan ko ba yaring aking sumpa

Ika’y mamahalin, saksi si Bathala.”



Ikaw ay lumisan hindi ko nalaman

Kung ano ang puno tunay na dahilan

Kapirasong nota na iyong iniwan

Walang sinasabi, “Patawarin lamang.”



Nag-iisa akong sakbibi ng lungkot

Tahimik ang gabi, puso’y kumikirot

Ating nakaraan ay hindi malimot

Sa aking gunita laging sumusurot



Sa pag-iisa kong labis na mapanglaw

Ang tanging aliwan ay iyong larawan

At bago matulog laging dinarasal

Mag-balik ka sana sa piling ko hirang.



Ako’y mag-hihintay, magbalik ka lamang

‘Di ko itatanong bakit ka lumisan

Kapiling lang kita pag-lubog ng araw

Sa buhay kong ito, labis na mapanglaw.



Composed by Jose Monzon

 
 
 

Comentários


bottom of page