top of page
Search

Pagsasalo ng Isang Mag-asawa


Sa McDonald ay nag-punta ang matandang mag-asawa

Nag-order ng 'sang hamburger, french fries saka isang soda.

Nang ang order ay ihain ng nasabing nag-titinda

Ang hamburger na inorder ay hinati sa dalawa.

Itong friench fries na inorder binilang na isa-isa,

At ito ay itinumpok hating-hati sa kanila.



Si lalaki ay sumipsip at sumunod si asawa

Sa baso ng isang order ng nasabing isand soda.

Pagkatapos inilapag ang baso sa harap nila.

Samantalang si babae, nakatingin lamang siya

Sa asawang kumakain ng hamburger na parte niya,

Hindi siya kumakain, ang lahat ay nag-tataka.



Mga taong kumakain na sila ay naliligid;

Lahat sila'y nagtataka sa kanilang namamasid.

Pagkat order ng matanda sa kanila'y hindi sulit,

Kaya't itong 'sang lalaki ng hindi na makatiis,

Nilapitan ang matanda at ito ay pinipilit

Na ibili ng isang order sa awa niyang mahigpit.



Ang matanda ay ngumiti at banayad na tumugon,

"Maraming salamat, iho, sa maganda mong layon,

Hindi na rin kailangan, ang order ko'y husto na 'yon.

Lagi kaming magkasalo, kailan man't hanggang ngayon

Sa ano mang mga bagay, kami ngayon ay mayroon."

Nakangiti at "Salamat" ang sagot na mahinahon.



Mga tao sa paligid ng nasabi na kainan

Ay napansin ang babae , pagkai'y 'di ginagalaw.

Nakaupo't nag-mamatyag na lubos ang kasiyahan

Sa asawang kumakain ng parte niyang nakalaan.

Kahaliling sumisipsip ng soda sa basong tangan,

Ang hamburger sa harapan tila lumalamig lamang.



Bago natin talakayin ang dahilan at kung bakit

Ang tunay na pagmamahal atin munang isa-isip.

Magkasalo kahit saan, sa ginhawa at sa hapis,

Sa pagluha at sa tuwa, kasawian at ligalig.

Hindi sila nag-sasawa maging sa pananalig

Hanggang wakas mag-kasalo sa ligaya at pag-ibig.



Ang lalaking maawain ay hindi na nakatiis,

Nilapitan ang babae at tinanong na mahigpit

"Bakit kayo tumatanggi sa alok naming pilit

Na kayo ay ibili ng pag-kaing sa inyo'y sulit?

Ano po ba hinihintay? Puwede po ba na mabanggit?

Nagtataka lamang kami at ang tanong, "Ay kung bakit?"



Agad-agad ay sumagot ang babae'y nakaumis,

Tinitigan ang asawang ang labi ay pinapahid,

"ANG PUSTISO!! ANG PUSTISO!! iya'y aking hinihintay.

Pagkatapos na gamitin, ito'y kanyang ibibigay.

Ako naman ang gagamit, ganyang kami kung magmahal

Salo-salo, hati-hati sa ano mang mga bagay."



Composed by Jose S. Monzon on February 14, 2008


31 views0 comments

Recent Posts

See All

Opmerkingen


bottom of page